
Bumwelta si Senate President Chiz Escudero sa patutsada ng ilang kongresista na takot siya kay Vice President Sara Duterte kaya ipinagpaliban ang lahat ng mga impeachment activities sa June 11.
Giit ni Escudero, ginagawa lang nila sa Senado ang kanilang trabaho kaugnay sa impeachment trial laban kay VP Duterte.
Nanindigan si Escudero na susundin niya ang kung ano sa tingin niya ay tama at nakalagay sa batas.
Bilang tagapangulo ng Senado, iginiit ng senador na trabaho niyang panatilihing pantay, parehas, makatarungan at naaayon sa saligang batas ang lahat ng mga gagawin.
Ipinaalala rin ng mambabatas na nakalagay rin sa saligang batas na kailangang ibigay at hindi madaliin ang due process gaano man kabilis at katagal ito basta’t iginagalang ang karapatan ng bawat panig.









