SP Chiz, nangakong hindi tatalikuran ang pagkakataong mamuno sa 20th Congress

Nangako si Senate President Chiz Escudero na hindi niya tatalikuran ang pagkakataon kung siya pa rin ang piliin ng mga senador na maging Senate President ng 20th Congress.

Ayon kay Escudero, tinitiyak niyang hindi siya tatalikod sa responsibilidad at pagkakataon sakaling manatili siyang Senate President.

Gayunman, anuman ang numero o kung may bilang man siya para manatili sa pagka-Senate President, ito ay posibleng magbago pa rin dahil mahigit isang buwan pa bago magbukas ang susunod na Kongreso.

Sinabi pa ni Escudero na hindi siya nanliligaw sa mga bagong papasok na senador kundi pinakikitunguhan niya ang mga ito lalo’t hanggang June 30 pa naman ang kanyang termino kaya lahat ng mga pangangailangan ng mga bagong halal ay kanyang tinutulungan at inaasikaso.

Nilinaw ni Escudero na ang mangyayaring botohan para sa bagong Senate President sa 20th Congress ay hindi kwestyon ng kawalan ng kumpyansa sa liderato kundi ito ay panibagong botohan na normal na ginagawa tuwing magpapalit ng Kongreso.

Facebook Comments