SP Isabela, Sinaluduhan ang Sangay Ehekutibo Nito

Ilagan, Isabela – Napakagaling ng pamumuno sa lalawigan ng Isabela.

Ito ang sinabi ni Isabela Vice Governor Antonio “Tonypet” Albano sa kanilang sabayang pagharap ni Governor Faustino “Bojie” Dy III sa lokal na media ng lalawigan.

Ang pakikipag-ugnayan ng dalawang pinuno ng Isabela ay pagkatapos na igawad ng Isabela Provincial Board ang mga pagkilala sa mga department heads ng probinsiya lalo na ang mga nangangasiwa ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) ng lalawigan.


Ito ay ginawa sa kanilang kauna-unahang sesyon kahapon ng Enero 8, 2018 bilang pagsaludo sa paghakot ng lalawigan ng mga awards nitong 2017 lalo na ang pagiging Hall of Famer nito sa Gawad Kalasag ng Office of the Civil Defense(OCD).

Sa mensaheng ipinaabot ng Gobernador at Bise Gobernador sa naturang okasyon ay kanilang binigyang diin ang pagtutulungan at kawalan ng away sa pagitan ng ehekutibo at lehislatibong sangay ng gobyerno ng probinsiya kaya maayos ang pamamahala sa lalawigan na siya namang kinikilala ng mga award giving bodies.

Bukod pa rito ay kanila ring binigyan diin ang pagiging masunurin at maayos na mamamayan ng mga Isabelinos na malaking tulong sa mas madaling pag-gogobyerno sa lalawigan.

Magugunita na kinilala ang Lalawigan ng Isabela sa pangatlong deretsong taon na may pinakamagaling na Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) sa buong bansa at naghakot din ng mga parangal sa Seal of Good Local Governance (SGLG) ng DILG sa nakalipas na taong 2017.

Facebook Comments