Tiniyak ni Senate President Juan Miguel Zubiri na tutuparin niya ang pangakong pagsusulong sa dagdag na ₱150 across the board wage hike.
Ang reaksyon ng senador ay kaugnay na rin sa ₱40 na dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa National Capital Region (NCR) at ang pahayag niya na amyendahan sa ₱100 ang panukalang umento sa sahod.
Paglilinaw ni Zubiri, ang dagdag na ₱40 sa sweldo ng mga taga-NCR ay hindi sapat kaya naman kanyang naihayag na amenable o bukas siya na gawing ₱100 ang dagdag sa sweldo ng mga manggagawa sa Metro Manila.
Paliwanag pa ni Zubiri, simpleng mathematics lamang ito kung saan ang ₱40 na wage board increase at ang isusulong na ₱100 legislated wage increase ay katumbas ng ₱140 na hindi rin naman nalalayo sa ₱150 na dagdag sa sahod na kanyang isinusulong.
Sinabi pa nito na tuloy pa rin ang kanyang pagsusulong sa ₱150 na dagdag sa sweldo sa buong bansa dahil ang ₱40 daily wage increase ay para lamang sa mga manggagawa sa NCR.
Binigyang-diin pa ng senador na ang mga manggagawa sa mga lalawigan ay pareho lamang din sa mga taga-lungsod na masigasig na nagtatrabaho at nahihirapan din sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin kaya mahalagang matiyak na nagre-reflect sa tunay na sitwasyon ang kanilang mga sahod.