Bahagyang nagkasagutan si Senate President Tito Sotto III at Senator Cynthia Villar sa plenary session, pero agad din naman naayos makaraang mag-sorry si Villar.
Naging ugat ng sagutan na hindi nabilang ang boto ni Senator Bong Go sa isang panukala dahil nagkaroon ito ng problema sa internet connection.
Sabi ni Villar mas binibigyan ng importansya ni SP Sotto ang mga physically present kumpara sa kanilang virtually present lang.
Diin pa ni Villar, gustuhin man niya ay hindi naman sya makakapunta physically sa session dahil bawal lumabas ang katulad niyang senior citizen.
Nilinaw naman ni SP Sotto na mali ang hugot ni Villar dahil hindi naman senior citizen si Go at hindi siya nagpaparinig o nagsasantabi sa mga senador na virtually present lang sa plenary session.