Friday, January 30, 2026

SP Sotto, inirekomenda ang pagpupulong sa pagitan ng Senado at Kamara para pag-usapan kung paano aaksyunan ang susunod na impeachment cases

Inirekomenda ni Senate President Tito Sotto III na magpulong ang mga senador at kinatawan ng Kamara para pag-usapan kung paano ang mga magiging aksyon sa mga susunod na impeachment cases na inihain laban kay Pangulong Bongbong Marcos at maging ang muling pagsasampa ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kay Sotto, matindi at ibang klase ang ginawang final ruling ng Korte Suprema matapos na ibasura ang impeachment case laban kay Vice President Sara dahil nabulabog nito ang buong konstitusyon.

Bunsod ng mga bagong requirement na idinagdag ng SC para masabing constitutional ang isang impeachment case, mistula namang nabago ang probisyon ng konstitusyon partikular na sa proseso ng impeachment.

Sinabi ni Sotto na kailangang magpulong tungkol dito ng Senado at Kamara para alam nila kung papano kikilos sa mga susunod na impeachment at upang matalakay ang ginawa ng Korte Suprema na mistulang gumagawa ng sariling batas.

Binigyang-diin ni Sotto, ang itinutulak na pulong ay walang kinalaman kay PBBM, kay VP Duterte o kahit na sino pang pwedeng i-impeach.

Gayunman, naniniwala si Sotto na posibleng may ibang agenda o iba ang focus ng naging desisyon ng Korte Suprema.

Facebook Comments