SP Sotto, kinumpirma ang paglipat kay dating Bulacan Assistant Engineer Brice Hernandez sa PNP Custodial Center mula sa Senado

Ililipat na rin ngayong araw sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center si dating Bulacan 1st District Assistant Engineer Brice Hernandez sa halip na sa Senado i-detain matapos na ipa-cite in contempt kahapon ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ito ang kinumpirma ni Senate President Tito Sotto III na kanilang napagkasunduan ni House Speaker Martin Romualdez para na rin sa kaligtasan ni Hernandez.

Dagdag ng Senate president, isasailalim pa rin si Hernandez sa pagbabantay ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSSA) dahil nasa kustodiya pa rin siya ng Senado kahit pa nasa loob ito ng pasilidad ng PNP.

Una nang pinatawan ng contempt si Hernandez sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee matapos magsinungaling sa kanyang pag-ca-casino at pagtanggi na gumagamit siya ng fake identity para makapagsugal.

Kahapon sa pagdinig ng Blue Ribbon ay ipinakita ni Senator Jinggoy Estrada ang isang Land Transportation Office (LTO) issued ID na may mukha ni Hernandez pero ang pangalang nakalagay ay Marvin Santos de Guzman.

Sa imbestigasyon naman ng Kamara ay itinuro ni Hernandez si Estrada na tumatanggap ng 30% na kickback mula sa P355 million na pondong inilabas para sa flood control projects sa Bulacan.

Facebook Comments