Makikipagpulong si Senate President Vicente Sotto kay Pangulong Rodrigo Duterte para linawin ang ginagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay sa pagbili ng Department of Budget and Management (DBM) ng umano’y overpriced na medical supplies ngayong pandemya.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Sotto na naniniwala siya na mali ang mga nakakarating sa pangulo na mga impormasyon kaya pinatitigil nito ang Senado na mag-imbestiga.
Aniya, walang dapat ikatakot ang mga gabinete ng pangulo kung wala namang ginagawang mali ang mga ito.
Nanindigan naman si Senador Risa Hontiveros na itutuloy nila ang pag-iimbestiga ng Senado sa kabila ng mga banat ni Pangulong Duterte.
Nilinaw rin ni Hontiveros na trabaho lang at walang halong pamumulitika ang kanilang ginagawang mga pagdinig.