
Ipinauubaya ni Senate President Tito Sotto III sa mga kasamahang senador ang kanyang kapalaran sa pagiging Senate President matapos na kumpirmahin na mayroon pa ring mga balita ng kudeta laban sa kanyang liderato.
Ayon kay Sotto, madalas niyang naririnig ang banta sa kanyang leadership at naging karaniwang kwento na ito para sa kanya.
Kamakailan lamang aniya ay may isa o dalawang storya siyang narinig na mayroong lumalakad na senador para i-kudeta siya pero wala namang nakikitang isyu laban sa kanya sa pagkakataong ito.
Hindi naman na nila pinag-uusapan na mga senador ang tungkol dito dahil tumatanggi naman ang mga itinurong pasimuno ng kudeta laban sa kanya.
Samantala, nagdaos naman ng caucus ang majority group ngayong tanghali para pagusapan ang tungkol sa blue ribbon committee gayundin ang paghahanda sa interpelasyon para sa 2026 National Budget.
Muling tiniyak ni Sotto na hindi niya papayagan ang institutional o individual amendments matapos ang third reading approval sa budget at lahat ng budget amendments o insertions ay gagawin sa ikalawang pagbasa sa plenaryo.









