Pinanindigan ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na hanggang June 3 lamang maaring patuloy na i-contempt at ipakulong ng Senado sa Pasay City Jail ang mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na sina Linconn Ong at Mohit Dargani.
Giit ito ni Sotto, kahit ipinaliwanag nina Senate Minority Leader Franklin Drilon at Senator Richard Gordon na sa Hunyo 30 pa ganap na magsasara ang kasalukuyang 18th congress kaya sa nasabing petsa lang din maaring malusaw ang contempt ng Senado kina Dargani at Ong.
Batayan naman ni Sotto ang pasya ng Korte Suprema sa kasong Balag versus Senate.
Nakasaad dito na mage-expire ang pagpapakulong ng Senado sa kanilang na-contempt kapag pinal na nabasura o naaprubahan ang Senate committee report o kaya ay kapag pinal nang nag adjourn ang Kongreso sa huli nilang sesyon.
Diin ni Sotto, maliwanag na magsasara ang Senado sa June 3 na siyang sine die adjournment ng Kongreso.
Sinabi pa ni Sotto, na maaring magsampa ng kaso sa korte ang sinumang nais na mapatagal sa bilangguan sina Dargani at Ong.