SP Sotto, umapela sa Kamara na iakyat agad sa Senado ang panukalang 2021 budget

Kinausap ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III kagabi si House Speaker Lord Allan Velasco.

Ayon kay Sotto, umapela siya kay Velasco na madaliin na maisumite sa Senado ang panukalang 2021 national budget na plano nilang ipasa sa third and final reading ngayong araw.

Nangako naman si Velasco ng best efforts o pagsisikapan nilang matupad ang hiling ng Senado.


Ipinaliwanag ni Sotto na magigipit na sila sa panahon para pag-aralan at isalang sa deliberasyon ang 2021 budget kung hindi ito maibibigay sa kanila hanggang October 28, 2020 o sampung araw mula ngayon.

Inagahan na ng Senado ang pagbubukas ng kanilag session sa November 9, 2020 sa halip na November 16, 2020, pero wala rin itong saysay kung late naman nila matatanggap ang budget mula sa Kamara.

Sinabi ni Sotto, kapag atrasadong mapapasakamay nila ito ay mamemeligro na maging reenacted ang budget sa susunod na taon.

Giit ni Sotto, ito ang iniiwasan nilang mangyari upang hindi madiskaril ang pagpapatupad sa mga programa at proyekto ng gobyerno lalo na ang pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Facebook Comments