
Handa si Senate President Tito Sotto III na suportahan ang charter change (Cha-cha) sakaling may magsulong nito sa Senado.
Ito ang pahayag ni Sotto matapos mabasa ang ilang bahagi ng naging desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang unconstitutional ang articles of impeachment na inihain ng House of Representatives laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Sotto, mistulang judicial legislation ang naging desisyon ng Korte Suprema sa halip na sundin ang malinaw na prosesong nakasaad sa Konstitusyon. Aniya, lumalabas na binago ng Kataas-taasang Hukuman ang mode ng impeachment at hindi rin itinuwid ang ilang factual errors sa desisyon.
Isa umano sa mga mali ay ang pahayag na na-archive ng Senado noong February 5 ang impeachment case, gayong iginiit ni Sotto na noong June pa ito na-archive kasabay ng sine die adjournment ng Kongreso.
Dagdag pa ng senador, mas pinahirap umano ng desisyon ang proseso ng pagpapatalsik sa mga opisyal ng gobyerno na hindi na ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin at nakapipinsala na sa bansa.
Nagpahayag din ng pagtataka si Sotto dahil wala man lamang dissenting opinion mula sa mga mahistrado at naging unanimous pa ang naging pasya ng Korte Suprema.
Hirit ng Senate president, kung ganito na lamang umano ang ginagawa ng Korte Suprema, mas mainam na amyendahan o palitan na ang Konstitusyon, at handa siyang sumuporta sakaling may magsusulong nito.
Kung hindi naman aniya ito maitutuwid sa pamamagitan ng Charter Change, sinabi ni Sotto na maaaring hintayin na lamang ang pagreretiro ng mga kasalukuyang mahistrado ng Korte Suprema, na aabutin pa umano ng ilang dekada.
Nilinaw naman ni Sotto na ang kanyang pagkadismaya ay walang kinalaman kay Vice President Sara Duterte o sa sinumang personalidad, kundi nakatuon lamang sa aniya’y hindi makatwirang desisyon ng Korte Suprema.










