
Tiniyak ni Senate President Tito Sotto III na aaksyunan ng Senado “forthwith” o agad-agad ang anumang impeachment case na maaaring ihain laban kina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte.
Ito ay kasunod ng mga ulat na may ilang kongresista umano ang nagpaplanong maghain ng impeachment complaint laban sa Pangulo at sa Pangalawang Pangulo.
Ayon kay Sotto, bilang lider ng Senado, sisiguruhin niyang agad na tutugunan ang anumang articles of impeachment na pormal na isusumite laban kina PBBM at VP Sara.
Gayunman, iginiit ni Sotto na masyado pang maaga upang pag-usapan ang naturang usapin dahil wala pa namang opisyal na impeachment complaint na naihahain sa Kamara.
Aniya, sakali mang may ihain, nananatili pa ring tanong kung papasa sa mababang kapulungan ng Kongreso ang impeachment complaint laban sa dalawang pinakamataas na lider ng bansa.
Sa susunod na buwan naman ay matatapos na ang one-year bar rule sa paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Duterte, habang may mga grupong nananawagan din ng impeachment laban kay Pangulong Marcos kaugnay ng umano’y pagiging kasabwat sa maanomalyang budget insertions sa pambansang badyet.










