Puno na si Senate President Juan Miguel Zubiri sa ginagawang pambu-bully ng Chinese Coast Guard sa tropa ng gobyerno sa West Philippine Sea (WPS).
Ginawa ni Zubiri ang pahayag matapos dumalo sa ika-122 founding anniversary ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame, ngayong araw.
Ayon kay Zubiri, iba ang pinapakitang aksyon ng China sa sinasabi nito tuwing kaharap ang mga opisyal ng gobyerno.
Tila napakahirap aniyang mahalin at kaibiganin ng China na hindi marunong makinig sa hinaing ng Pilipinas.
Sa katunayan, hindi agad sinagot ng China ang kanilang hotline sa kasagsagan ng pambobomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa supply boat ng militar sa Ayungin Shoal.
Nanindigan si Zubiri na ayaw nila ng gulo at ayaw rin nila ng giyera pero hindi papayag ang pamahalaan na mawala kahit isang pulgadang teritoryo ng Pilipinas.