SP Zubiri, nilinaw ang abiso kay Sen. Padilla na magsagawa na lamang ng Executive session ang Kongreso patungkol sa Cha-Cha

Nilinaw ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang plano ng Mataas na Kapulungan na magsagawa na lamang ng Executive session ang Senado at Kamara tungkol sa usapin ng Charter Change (Cha-Cha).

Ito aniya ay bilang tugon sa naging panawagan ni Cong. Elpidio “Pidi” Barzaga na magpatupad ang Kongreso ng ceasefire mula sa umiinit na usapin sa Cha-Cha.

Inamin ni Zubiri na ito aniya ang dahilan kaya kinausap niya si Senator Robin Padilla na i-postpone ang imbitasyon sa mga kongresista sa pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments bilang resource persons ng Senado.


Paliwanag pa ni Zubiri, sa tradisyon ng Kongreso ay hindi naman pinahaharap sa pagdinig ng Senado ang mga miyembro ng Kongreso bilang resource persons salig na rin sa umiiral na ‘interparliamentary courtesy’ dahil pantay at parehong mga miyembro at co-equal branch ang mga ito ng lehislasyon.

Kung iimbitahan man ang isang kinatawan o miyembro ng Kongreso ito ay bilang guest at hindi resource person.

Nauunawaan naman ni Zubiri na dahil isang neophyte senator si Padilla kaya hindi pa nito magamay ang mga tradisyon at mga kasanayan ng dalawang kapulungan.

Magkagayunman, ang tradisyon na ito ay para protektahan din si Padilla at ang kanyang komite para maiwasan ang batuhan ng mga maiinit na argumento at nagtatalong mga opinyon kung saan maaaring mahirapan ang committee chairperson kung paano kokontrolin ang sitwasyon.

Sinabi pa ni Zubiri na nagkausap na rin sila ni Speaker Martin Romualdez kahapon at sang-ayon din ito na panatilihin ang tradisyon at palaging irespeto ang interparliamentary courtesy ng Kongreso.

Facebook Comments