Speaker Alan Peter Cayetano, hindi naman talaga nag-resign

Iginiit ni PBA Partylist Representative Jericho Nograles na hindi naman talaga naghain ng pagbibitiw sa pwesto si Speaker Alan Peter Cayetano.

Paliwanag ni Nograles, batay sa kanilang rules, maaaring magbitiw sa pwesto ang sinumang miyembro ng Kamara at ito ay isang “personal choice”, at hindi dapat pinagdedesisyunan ng buong kapulungan.

Bukod dito, sa oras na mag-resign ang isang Speaker ay agad na idinedeklarang bakante ang pwesto kung saan magbobotohan sa Deputy Speakers na pansamantalang hahalili na Acting Speaker.


Mananatili ang isang Acting Speaker hanggang sa magbotohan na ang mga kongresista para sa pagpili ng bagong lider ng Mababang Kapulungan.

Pero ayon kay Nograles, ang ginawa ni Cayetano na paghahain ng resignation na agad namang ibinasura ng mga mambabatas sa ginawang botohan ay walang katuturan at walang epekto sa kanilang rules.

Ang naging epekto aniya ay nasayang ang panahon dahil nasuspinde ang deliberasyon sa budget lalo pa’t kailangang maipasa ang panukala ngayong may COVID-19.

Si Nograles ay hindi bumoto sa naging mosyon ni Anakalusugan Partylist Representative Mike Defensor sa plenaryo na ibasura ang resignation ni Cayetano dahil ito aniya ay “absurd” o walang katotohanan at wala rin sa kanilang rules ang nananawagan sa paghahain ng resignation.

Facebook Comments