Speaker Alvarez, iginiit na marami ng kongresista ang gustong mag-endorso ng ihahaing impeachment complaint laban kay Chief Justice Sereno

Manila, Philippines – Ipinagmalaki ni House Speaker Pantaleon Alvarez na marami ng kongresista ang nagpahayag ng kahandaan na mag-endorso ng impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Ayon kay Alvarez, bagama’t marami na ang nais mag-endorso nito, dadaan ang reklamo sa proseso.

Kailangan aniya na may sapat na ebidensya para ma-impeach si Sereno kapag ito ay dinala na sa House Committee on Justice.


Sinabi ni Alvarez, kapag mayroong matibay na ebidensya ay magtutuloy-tuloy sila sa Senado na tatayo namang impeachment court.

Nais matiyak ni Alvarez na kapag humarap sila sa impeachment court ay hindi sila magmumukhang katawa-tawa.

Sa ngayon, hinihintay pa nila ang certified true copies ng mga alegasyon na ibinabato sa punong mahistrado.

Ngayong hapon naman ay inaabangan sa Kamara ang isasampang impeachment complaint ni Atty. Larry Gadon laban kay Sereno.

Facebook Comments