Manila, Philippines – Nagbanta si House Speaker Pantaleon Alvarez na ipadi-dissolve ang Court of Appeals at maghahain ng disbarment case sa tatlong mahistrado bg CA dahil sa pangingialam sa desisyon ng Kamara matapos madetain sa Batasan Complex ang Ilocos 6.
Ang pagkakadetain ng anim na opisyal ng lokal na pamahalaan ng Ilocos Norte ay bunsod ng kwestyunableng pagbili ng mahigit 60 milyong pisong motor vehicles gamit ang tobacco funds ng Ilocos na hindi pa dumaan sa public bidding.
Ang CA naman ay naglabas ng release order para mapalaya ang anim na dinedma naman ng liderato ng Kamara.
Katwiran dito ni Alvarez, walang karapatan ang CA na makialam lalo pa’t may desisyon ang Korte Suprema na kumikilala sa karapatan ng Kongreso na magpacite in contempt ng isang testigo na hindi nagsasabi ng totoo.
Handa aniya ang Kamara na maghain ng disbarment case sa tatlong justices na sina Associate Justices Stephen Cruz, Edwin Sorongon at Nina Antonino-Valenzuela dahil sa ignorance of the law.
Dagdag pa ni Alvarez, hindi nila co-equal branch ang Court of Appeals at ang Kongreso ang lumikha sa CA kaya naman kahit anong oras ay kaya nilang buwagin ito.