Speaker Cayetano, handang bumaba sa pwesto

Handa si Speaker Alan Peter Cayetano na bumaba sa pwesto sakaling matuloy ang umuugong na pagpapatalsik sa kanya mamaya sa sesyon.

Ayon kay Cayetano, handa siya kung may magmomosyon mamaya sa sesyon para ideklarang bakante ang kanyang posisyon bilang Speaker.

Giit ni Cayetano, sa halip na magtrabaho at umabot ng Oktubre ang palitan ng Speaker ay samu’t-saring isyu na ang ginagawa.


Nakarating na sa kanya ang intrigang ilang myembro ng Kamara ang ginagamit ang usapin ng pambansang pondo, renewal ng prangkisa ng ABS-CBN at pagdinig sa bilyong pisong pumapasok mula sa ibang bansa para mapaalis siya sa pwesto.

Kung sakali, aniya, na matuloy ang planong eleksyon sa plenaryo mamaya ay walang problema sa kanya na bumaba sa pwesto dahil ito naman ang nature ng demokrasya.

Muling bumanat si Cayetano sa kampo ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na siyang may pakana sa lahat ng isyu para mahawakan ang budget gayundin ang mga kongresista.

Nilinaw din ni Cayetano na sa Nobyembre at hindi Oktubre ang kanilang nakatakdang palitan ni Velasco sa pwesto.

Facebook Comments