Sinserong humingi ng patawad si House Speaker Alan Peter Cayetano kay Pangulong Rodrigo Duterte sa nangyayaring girian sa Kamara.
Matatandaang nagbabala si Pangulong Duterte na personal siyang gagawa ng aksyon kapag nabigo ang Mababang Kapulungan na tapusin ang budget sa tamang panahon.
Sa kanyang mensahe, kinikilala nila ang babala ng Pangulo sa lahat ng partido na ihinto ang pamumulitika lalo na at kung makakasama ito sa mga mamamayan sa panahon ng krisis.
Ginagarantiya ni Cayetano na ang pangamba ni Pangulong Duterte na maaantala ang pagpasa ng panukalang 2021 national budget ay agad na reresolbahin.
Pagtitiyak ni Cayetano na ang kanilang ginagawang hakbang ay legal at naaayon sa Konstitusyon.
Hindi aniya nila isasakripisyo ang budget sa panahong ito para lamang sa tensyon sa pulitika.
Siniguro rin ni Cayetano na ang printed budget measure ay isusumite sa Senado sa November 5, 2020 para masimulan na ng mga senador ang kanilang deliberasyon at pormal ito na maipasa sa tanggapan ni Pangulong Duterte sa November 16 kapag nakalusot na ito sa ikatlo at huling pagbasa.
Pinasalamatan din ni Cayetano si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa kanyang pang-unawa at sa kanyang commitment na makipagtulungan sa Kamara para maabot ang deadline.
Gayumpaman, walang indikasyon na pinapayagan na ni Cayetano ang pagsasagawa ng sesyon simula sa Lunes hanggang October 16, ang araw ng adjournment ng Kongreso.