Kumpirmado ang pagdalo ni Speaker-in-waiting na si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco mamaya sa ika-limang SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos na mapabalita noong una na wala ito sa listahan ng mga inimbitahan.
Sa opisyal na listahan kahapon ay isinama na si Velasco sa 30 mga miyembro ng Kamara na sasaksi sa ulat sa bayan ng Pangulo sa pangunguna ni Speaker Alan Peter Cayetano.
Unang napabalita na sinadya umanong hindi isinama sa inaprubahang official list ni Cayetano ang pangalan ni Velasco na unang isinumite ng Kongreso sa Malacañang para sa security protocol.
Ayon naman sa sources sa Palasyo, ni-reject ng Malacanang ang listahan ni Cayetano dahil hindi kabilang ang pangalan ni Velasco na siyang Speaker-in-waiting.
Dagdag naman ng mga kongresistang malapit kay Davao City Rep. Paolo Duterte, itinulak din ng presidential son na baguhin ang official list at isama ang pangalan ni Velasco sa mga piling kongresista na dadalo sa SONA kaya’t napilitan ang liderato ng Kamara na baguhin ang listahan.
Kabilang pa sa 30 mga kongresista na dadalo sa SONA sina Deputy Speakers LRay Villafuerte, Paolo Duterte, Dan Fernandez, Rodante Marcoleta, Johnny Pimentel, Raneo Abu, Dong Gonzales, Majority Leader Martin Romualdez, Minority Leader Benny Abante, Appropriations Chairman Eric Yap, Good Government and Public Accountability Chairman Jonathan Sy-Alvarado, Public Accounts Chairman Mike Defensor, Accounts Chairman Bambol Tolentino at iba pa.