Hinihimok ni House Speaker Lord Allan Velasco ang mga kongresista na hikayatin ang mga constituent na magparehistro para sa 2022 eleksyon.
Ang pahayag ay ginawa ng speaker bago ang session break ng Kamara para bigyang-daan ang panahon para sa paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) mula October 1-8.
Apela ni Velasco sa mga mambabatas, sa pagbabalik nila sa kanilang mga distrito ay himukin ang kanilang mga kababayan na bumoto sa 2022 national elections.
Aniya, bilang mga lider at kinatawan ay makabubuting hikayatin ang mga constituents na i-exercise ang kanilang “right to vote” at paalalahanan ang mga ka-distrito na samantalahin ang panahon para magparehistro.
Hinihikayat din ng speaker na ngayong sinisikap na maibalik sa mas maayos na sitwasyon ang bansa ay makakatulong sa pagpapalakas ng serbisyo ng Kongreso ang partisipasyon ng publiko sa nalalapit na halalan.