Kinatigan ni Speaker Martin Romualdez ang suhestyon ni Sen. Imee Marcos na sa halip na magtatag ng isang bagong departamento para sa disaster preparedness ay ipasailalim na lamang sa Office of the President (OP) ang National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.
Sa ginanap na situationer briefing sa Abra, muling inilatag ng senadora ang kanyang panukala na magtatag na lamang ng isang administration o council sa ilalim ng OP kaysa sa itinutulak na Department of Disaster Resilience (DDR).
Punto kasi ng senadora, mauubos lamang kasi sa pasahod ng mga assistant secretaries at undersecretaries ang pondo para sa bagong itatatag na kagawaran.
Sinigundahan ni Romualdez ang senadora at sinabing maaari nilang gayahin ang Federal Emergency Management Agency (FEMA) ng Estados Unidos o kaya ang Disaster and Emergency Management Presidency ng Turkey.
Tiniyak naman agad ni Romualdez na pag-aaralan ng Kamara ang rightsizing sa isinusulong na DDR.
Katunayan, nasa mahigit sampung panukala na ang naihain sa Kamara na nagsusulong sa pagtatatag ng DDR.