Speaker Martin Romualdez, mananatili pa ring caretaker ng 3rd District ng Negros Oriental

Mananatili pa ring legislative caretaker ng 3rd District ng Negros Oriental si Speaker Martin Romualdez.

Kaugnay pa rin ito sa desisyon ng COMELEC en banc na kanselahin ang special elections sa Negros Oriental para punan sana ang nabakanteng posisyon ni dating Congressman Arnolfo Teves Jr.

Ayon kay House Secretary General Reginald Velasco, dahil hindi na matutuloy ang dapat sana’y special election sa Negros Oriental sa December 9, si Romualdez pa rin ang magsisilbing tagapangalaga ng naturang distrito.


Naunang pinagtibay ng Kamara ang House Resolution 1431 na inihain ni Negros Oriental Rep. Manuel Sagarbarria na humihiling sa COMELEC na irekunsidera ang pagdaraos ng special elections sa kanilang lalawigan.

Ilan sa mga tinukoy na dahilan na ipagpaliban ang special election ay ang patuloy pa rin na banta sa seguridad, pending disqualification cases laban sa mga nanalong kandidato nito lamang katatapos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at ang pagkwestyon ni Teves sa Korte Suprema tungkol sa pagkakaalis sa kanya sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Facebook Comments