Pinuri ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr., ang pananatiling nakatutok ni Speaker Martin Romualdez sa kanyang malaking responsibilidad bilang pinuno ng House of Representatives sa halip na patulan ang umano’y mga atake, pasaring o pag-insulto sa kanya ni Vice President Sara Duterte.
Ibinida ni Barzaga na dahil sa suporta ng iba’t ibang political groups sa liderato ni Romualdez ay maraming panukalang batas ang naipasa ng Kamara na kabilang sa priority bills ng Legislative-Executive Development Advisory Council at ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Barzaga, kahit kelan ay walang sinabing masama si Romualdez laban kay VP Sara.
Diin pa ni Barzaga, matindi rin ang naging pagtulong ni Romualdez sa pagsusulong ng kandidatura ni VP Sara.
Ayon kay Barzaga, isa si Romualdez sa mga nagkumbinsi kay Duterte na kumandidato sa pagkabise presidente sa ilalim ng UniTeam ticket na pinamumunuan ng kanyang pinsan na si PBBM.
Nakakalungkot para kay Barzaga na may gusot ngayon sa pagitan nina Romualdez at VP Sara at umaasa siya na ito ay maaayos sa lalong madaling panahon.