Iginiit ni Cong. Rodante Marcoleta sa pagdinig ng Senado na hihilingin niya mismo ang pagbaba sa pwesto ni Speaker Martin Romualdez sakaling mapatunayan na ang lider ng Kamara ang nasa likod ng pekeng People’s Initiative.
Humarap sa Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation si Marcoleta patungkol sa imbestigasyon sa suhulan sa signature campaign ng pekeng People’s Initiative.
Sa pag-arangkada ng pagdinig ng komite, naglabas ng sama ng loob si Marcoleta dahil nagiging kontrabida na ngayon ang Kamara at bilang miyembro ay hindi niya maaalis na magdamdam sa mga patutsada sa Mababang Kapulungan lalo na sa kanilang speaker.
Sinabi ng kongresista sa mga senador na sakaling mapatunayan sa pagdinig na si Romualdez ang nagkumpas at nagpondo sa People’s Initiative ay posibleng hilingin niya ang pagbaba sa pwesto ng speaker.
Pero kung hindi naman si Romualdez ang nasa likod ng initiative ay iminungkahi ng kongresista na mag-concentrate ang mga senador kay Atty. Anthony Abad.
Ang pangalan ni Abad ang nakalagay sa petition form para sa pangongolekta ng lagda sa pagsusulong ng People’s Initiative para sa Charter change.
Dahil dito, ipinag-utos na ni Electoral Reforms Chairman Senator Imee Marcos ang pag-subpoena kay Abad pero batay sa impormasyong nakarating sa komite ay nasa ibang bansa ito ngayon.
Facebook Comments