Speaker Velasco at iba pang mambabatas, hinamong isapubliko ang kanilang SALN

Hinamon ng isang political expert si House Speaker Lord Allan Velasco at ibang mambabatas na isapubliko ang kanilang Statement of Assets Liabilities and Net worth (SALN) at gawing madali ang paghingi ng kopya nito ng publiko.

Ito ay sa harap na rin ng inihaing resolusyon nina Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor at Sagip Partylist Rep. Rodante Marcoleta na humihiling na magkaroon ng House Inquiry in aid of legislation ukol sa kasalukuyang batas kaugnay sa paghahain ng SALN ng mga government officials and employees.

Ayon kay Institute for Political Reform (IPER) Executive Director Ramon Casiple, ang Kamara ang siyang dapat maging ehemplo sa pagsunod sa batas hinggil sa SALN.


Kung mayroon aniyang dapat na maging bukas sa kanilang SALN, ito ay walang iba kundi ang limang pinakamatataas na opisyal sa gobyerno kabilang na sina Pangulong Rodrigo Duterte, Vice President Leni Robredo, Senate President Vicente Sotto III, House Speaker Lord Allan Velasco at Chief Justice Diosdado Peralta.

Nabatid na mula 2019 mula nang mabalangkas ang bagong rules sa pagkuha ng SALN ay wala pang aplikasyon o nagrerequest ng SALN ng mga mambabatas.

Matatandaang una nang na-isyu si Velasco, matapos ang ulat na mayroon itong shares sa San Miguel Corporation base sa company report noong 2017 kung saan lumabas pa na kabilang siya sa Top 100 Stockholders.

Habang mayroon din umano siyang 2% shares sa Petron Corporation base sa 2017 annual report ng kompanya pero ang mga ito ay hindi deklarado sa kanyang SALN.

Facebook Comments