Naisumite na ng Commission on Audit (COA) sa Senado ang special audit report patungkol sa maanomalyang multi-bilyong pisong pagbili ng nakaraang Duterte administration ng COVID-19 medical supplies sa Pharmally Pharmaceutical Corp.
Humingi ng update tungkol dito si Senator Risa Hontiveros sa gitna ng budget deliberation para sa P13.53 billion 2024 budget ng COA.
Ayon kay Senator Sonny Angara, ang sponsor ng COA budget sa Senado, natanggap na ni Senate President Juan Miguel Zubiri noong September 19 ang siyam na libro na report ng COA patungkol sa pinasok na kasunduan sa Pharmally ng dating administrasyon.
Ikinagulat naman ni Hontiveros ang napaka-kapal na special audit report ng COA tungkol sa maanomalyang Pharmally deal sabay ng tanong kung ano ang pinakamahalagang findings ng komisyon sa isinagawang special auditing.
Sinabi ni Angara na masyadong mahaba ang COA report sa Pharmally dahil tinalakay dito ang bawat opisyal na sangkot kung saan may mga findings patungkol sa naging partisipasyon dito nina dating Health Secretary Francisco Duque II at sa ilang dating Undersecretaries ng Procurement Services ng DBM.
Ilan sa mga findings ang hindi pagtupad ng DOH sa kanilang administrative control para matiyak ang availability ng mga PPEs at medical supplies; bigo rin ang DOH na makipagugnayan sa PS-DBM para sa timeliness ng procurement, schedule ng deliveries at periodical consumption ng medical supplies.
Hindi rin nabigyan ng konsiderasyon ang angkop na warehouse facilities para sa mga medical supplies, hindi rin kumilos ang DOH para i-monitor ang liquidation ng paglilipat ng pondo sa PSDBM, hindi makatwiran ang presyo ng mga supplies, inconsistent na proseso at kawalan ng negosasyon sa pagitan ng mga suppliers.