Nashville, Tennessee – Nagkitil ng buhay ang isang 12-anyos na babae matapos umano ang ilang taong pagtitiis dahil sa pambubully sa eskwelahan.
Ayon sa ulat, nagtangka umanong magpakamatay si Tarhiya Sledge nakaraang Biyernes na agad namang naisugod sa malapit na ospital sa kanilang bahay ngunit binawian din ng buhay nitong Lunes, Nob.25.
Sa kwento ng mga magulang ni Tarhiya, parati daw natutukso ang anak dahil sa pagiging maliit nito at pagiging special education student sa JFK Middle School kung saan siya nag-aaral.
Batay sa salaysay ni Roland Mumford, ang abogado ng pamilya ng biktima, mayroong alegasyon na nagkaroon ng physical assault sa bata gaya ng pagtatapon ng basura sa kanya at paghila ng kanyang buhok hanggang maubos.
Makailang beses din daw nabubully ang bata sa pamamagitan ng mga ibinibigay na kung anu-anong sulat at maging personal ngunit wala umanong naging aksyon ang kanyang paaralan.
Itinuturing din ng pamilya Sledge na diskriminasyon ang nangyari dahil isa umanong special child si Tarhiya.
Samantala, kasalukuyan nang nasa kamay ni Mumford ang pangalan ng anim na estudyanteng sinasabing sangkot sa pambubully na karamihan daw ay pawang football players at cheerleaders.
“Tarhiya loved everybody, and in the midst of loving everybody, she got talked about, she got picked on,” ani Mario Glover, stepfather ng biktima.
Humingi rin ng tulong ang ina ni Tarhiya sa mga mag-aaral na naging witness ng bullying.
Kasakulukuyan naman ang imbestigasyon sa pangyayari.
(Sa mga nakararanas ng depresyon, huwag mag-alinlangang sumangguni sa malalapit na kaibigan at espesyalista.
Maari ring tumawag sa “Hope Line” ng Natasha Goulbourn Foundation na katuwang ng Department of Health (DOH):
(02) 804-HOPE (4673)
0917-558-HOPE (4673) or (632) 211-4550
0917-852-HOPE (4673) or (632) 964-6876
0917-842-HOPE (4673) or (632) 964-4084)