Nagtatag ang Philippine National Police (PNP) ng special composite team na layong tukuyin at kasuhan ang mga indibidwal na nagkanlong noon kay Kingdom of Jesus Christ founder Apollo Quiboloy.
Ayon kay PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, ang nasabing special composite team ay binubuo ng mga opisyal at tauhan mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Anti-Cybercrime Group.
Sinabi naman ni CIDG Director PMGen. Leo Francisco na ang itinatag na special investigation team ay binubuo ng mga top investigators mula CIDG Major Crimes Investigation Unit, Legal Division, at mga kinatawan mula sa PNP-ACG.
Pangunahing mandato nito na kumalap ng mga ebidensya mula sa social media posts, publications at iba, kumuha ng mga statement mula sa mga pulis na nagsilbi ng warrant of arrest laban kay Quiboloy gayundin sa umano’y mga biktima ng pangmomolestiya ng pastor.
Makikipagtulungan din aniya ang team sa Police Regional Office 11 upang matiyak na magiging airtight ang isasampang kaso laban kay Quiboloy at sa umano’y mga tumulong dito para makapagtago sa batas.
Kasunod nito, nangako ang PNP na papanagutin ang mga nagkasala at igagawad ang hustisya para sa mga naging biktima ni Quiboloy.