Para matiyak na maayos na maipamamahagi ang “Ayuda for All” sa oras na maging ganap na batas ang Bayanihan to Arise as One Act o Bayanihan 3 ay bubuo ng “Special Congressional Oversight Committee on Ayuda”.
Ayon kay House Committee on Economic Affairs Chairman Sharon Garin, layunin ng special oversight committee na maiwasan na ang mga problema na naranasan sa pamimigay ng ayuda sa ilalim ng Bayanihan 1 at 2.
Nakasaad sa Bayanihan 3 Bill ang pagbuo ng “Special Congressional Oversight Committee on Ayuda” na tututok sa tamang pagpapatupad, pagbabantay, at pag-audit ng programang pagkakaloob ng ayuda, gaya ng P2,000 na cash aid para sa lahat ng mga Pilipino.
Ang special oversight committee na ito ay pamumunuan naman ng House Speaker at Senate President, at magkakaroon ng tig-limang miyembro ng Kamara at Senado.
Magkakaroon din ng tinatawag na “Joint Executive and Legislative Council” na tututok naman sa implementasyon ng lahat ng mga programa at interventions o ang “Kalinga, Kabuhayan at Kalusugan” na nakapalood sa Bayanihan 3.
Kasama sa lupon ang House Speaker, Senate President, pitong miyembro ng gabinete na pipiliin ng Pangulo, isang senador at tatlong kongresista.
Obligado naman ang naturang council na isapubliko ang kanilang report bawat buwan kaugnay sa pagpapatupad ng Bayanihan 3.