Nagsagawa ng Special Election Registration Board Hearing ang Commission on Elections (COMELEC) para linisin ang double registration o iyong mga nagparehistro ng higit sa isang beses bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE sa Oktubre.
Ayon sa Comelec, kasunod ito ng naging deliberasyon noong May 17, 2023 patungkol sa double at multiple registrants sa National List of Registered Voters na idinaan sa berepikasyon sa pamamagitan ng Automated Fingerprint Identification System.
Matapos ang pagdinig, maglalabas ang COMELEC ng Election Day Computerized Voter’s List at Posted Computerized Voter’s List sa mga accredited na Citizen’s Arms gaya ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting at National Movement for Free Elections.
Samantala, magsasagawa naman ang COMELEC ng simulation exercises sa July 15, 2023, para sa mall voting ng barangay elections.
Sisimulan naman ng Election Registration Board, Citizens’ Arms at mga Civic Organizations ang proseso ng pag-berepika, certification at sealing sa listahan ng mga botante para sa BSKE, sa July 27, 2023.
Inaasahang sa Agosto ay ilalabas na pinal na listahan ng mga botante.