Inihayag ng Commission on Elections (COMELEC) na hindi na ito magsasagawa ng special elections sa mga bayan ng Binidayan at Butig sa Lanao del Sur.
Ayon kay COMELEC Deputy Executive Director for Operations Teopisto Elnas, naiproklama na ang mga nanalong kandidato sa mga nasabing bayan na una nang nagdeklara ng “failure of elections.”
Paliwanag naman ni COMELEC Commissioner George Garcia, pagkakamali lamang ang inisyal na pagdedeklara ng “failure of elections” sa Binidayan at Butig.
Aniya, ang sistema ay nangangailangan ng threshold para makapag-print ng certificate of proclamation at ang dalawang bayan ay hindi humiling ng lower threshold.
Ibig sabihin, nakapagpadala aniya ng sapat na boto ang mga presinto.
Sa kabila nito, tiniyak ng poll body na nakahanda na ang mga election paraphernalias katulad ng mga balota at mga vote counting machines (VCMs) para sa special election sa Tubaran, Lanao del Sur ngayong araw.
Nakalatag na rin ang security plan para matiyak na magiging mapayapa ang gaganaping halalan.