Special hardship allowance para sa mga public school teachers, pinaaaprubahan bago magbukas ang klase ngayong may pandemya

Pinabibigyan ng ‘special hardship allowance’ ang mga guro sa mga pampublikong paaralan na nagtatrabaho sa kabila ng mahirap na sitwasyon katulad ngayong may COVID-19.

Sa inihaing House Bill 7126 ni Assistant Minority Leader at Act-Teachers Representative France Castro, ipinunto nito na tungkulin ng estado na bigyan ng nararapat na kompensasyon ang mga guro na nagtatrabaho sa mga alanganin at mahirap na sitwasyon tulad sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity at ngayong may pandemya.

Sa ilalim ng panukala, bibigyan ng buwanang special hardship allowance (SHA) ang mga kwalipikadong guro kung saan sakop dito ang mga Mobile Teachers (MT), Multi-grade Teachers (MGT), non-formal Education or ALS Coordinators at mga guro na nakatalaga sa mga lugar na mahirap puntahan, kulang ang transportasyon, mapanganib sa kalusugan at sa kaligtasan, may state of calamity at iba pa na maaaring delikado sa kanilang pagtupad ng trabaho.


Ang ibibigay na SHA sa mga guro ay katumbas ng 25% ng kanilang buwanang sahod.

Makakatulong ang nasabing allowance para maibsan ang kakulangan sa pinansyal na pangangailangan ng mga guro gayundin ay matumbasan naman ang kanilang sakripisyo at hirap para makapagturo sa mga estudyante lalo na sa kabila ng nararanasan na health crisis.

Nanawagan si Castro na maaprubahan agad ang panukala lalo pa ngayon na itinutulak ng Department of Education (DepEd) na buksan ang klase sa Agosto.

Facebook Comments