Special investigating committee, binuo ng DA kaugnay umano’y katiwalaan sa importasyon ng baboy

Bumuo na ng special investigating committee ang Department of Agriculture (DA) na siyang tututok sa alegasyong mayroon umanong katiwalaan sa importasyon ng baboy sa loob ng kagawaran.

Ito ang inihayag ni Agriculture Spokesperson at Asec. Noel Reyes makaraang isiwalat ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson na may kumokolekta ng “tongpats” sa loob ng DA sa pamamagitan ng rekomendasyon pababain ang taripa at dagdagan ang Minimum Access Volume (MAV) sa mga inaangkat na baboy.

Sa interview ng RMN Manila, hinikayat ni Reyes si Lacson na pangalanan ang mga opisyal na nasa loob ng DA na sangkot sa korapsyon.


Banta ng opisyal, ang lahat ng kawani ng DA na mapapatunayang sangkot sa sinasabing anomalya ay agad na sisibakin sa pwesto.

Kasabay nito, ipinaliwanag ni Reyes kung bakit kailangang dagdagan ang mga inaangkat na baboy sa bansa dahil na rin sa African Swine Fever (ASF).

Una nang ibinunyag ni Lacson na may kumokolekta ng “tongpats” sa DA ng P5 hanggang P7 sa bawat kilo ng inaangkat na baboy.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Lacson na bukod sa ikakasang imbestigasyon sa Senado, kinalampag na rin nito ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) upang ipaalam kay Pangulong Rodrigo Duterte ang naturang korapsyon.

Batay sa panukala ng DA, mula sa 30% na taripa, pinatatapyasan ito ng 5% at inirekomendang gawing 400,000 metric tons ang inaangkat na baboy mula sa kasalukuyang 54,000 metric tons.

Facebook Comments