
Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson at Police Regional Office 3 Regional Director PBGen. Jean Fajardo na bumuo na sila ng isang Special Investigation Task Group na siyang tututok sa pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa pagpatay sa isang standup comedian na si Gold Dagal.
Si Gold Dagal ay nagtamo ng gunshot wound sa lower part ng kanyang mata at tumagos sa kanyang ulo na naging sanhi ng kanyang pagkamatay noong March 16, 2025 sa isang establisimyento sa Angeles City, Pampanga.
Ayon kay Fajardo, mayroon na silang magandang lead na sinusundan.
Subalit ayaw muna niyang idetalye sa pangambang baka makompromiso ang nagpapatuloy na imbestigasyon.
Sa ngayon, tatlong katao ang tinitignan nilang may kinalaman sa pamamaril sa biktima.
Patuloy rin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa naulilang kanak ng biktima upang mabatid ang dahilan nang pagpatay rito.
Una nang sinabi ng ina ng biktima na may taong nagalit sa mga biro ng kanyang anak na naging mitsa ng kanyang kamatayan.