Special lending program sa mga maliliit na negosyo, iginiit ng isang Kongresista

Hinikayat ngayon ni Quezon City Representative Precious Hipolito-Castelo ang pamahalaan at private banks na maglunsad ng special lending program para sa milyun-milyong maliliit na negosyo na apektado ng COVID-19 pandemic.

Sa ilalim ng inihaing “Loan Program Assistance for SMEs affected by COVID-19 Act” na inihain ni Hipolito-Castelo, inoobliga ang mga malalaking pribadong bangko na maglaan ng pondong pautang para sa mga small at medium-scale businesses sa bansa.

Binigyang diin ng Kongresista, ang kahalagahan ng gobyerno at mga private banks na matulungan ang mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) na ngayon ay napilitang magbawas ng operasyon at mga tauhan habang ang ilan ay nagsara na lamang dahil sa epekto ng COVID-19.


Sa ilalim pa ng panukala, pinagpapataw lamang ng pinakamababang interest rates ang pautang at bayarin ng mga maliliit na negosyo upang makabawi at makabangon ang mga ito sa pagkalugi sa kabuhayan na idinulot ng krisis.

Ang Bangko Sentral ng Pilipinas naman ang siyang magtatakda ng implementing rules and regulations para sa special loan agreement sa mga MSMEs.

Kailangan na rin aniyang magtakda ng legal na mandato sa pagpapautang sa mga malilit na negosyo dahil karaniwan sa mga private banks na mas pinipiling pautangin ang mga malalaking korporasyon kumpara sa libu-libong MSMEs.

Facebook Comments