Special loan window sa mga Gov’t banks para sa mga public school teachers, isinusulong sa Kamara

 

Itinutulak ni Quezon City Rep. Precious Hipolito-Castelo na magkaroon ng special loan window ang mga bangkong pagmamay-ari ng gobyerno para sa mga public school teachers.

 

Sa ilalim ng House Bill 1015 o ang Public School Teachers Special Loan Window Act, layunin nitong matulungan ang mga guro sa mga pampublikong paaralan na nangangailangan ng agarang tulong pinansyal.

 

Nakasaad sa panukala na maaaring umutang o humingi ng financial assistance na may mababang interes ang mga bona-fide public school teachers sa ilalim ng Special Loan Window ng mga government banks.


 

Ang loan ng mga guro sa ilalim ng Special Loan Window ay hiwalay pa sa ibang emergency loans ng mga guro na may mataas na interest rates.

 

Ayon kay Hipolito-Castelo, sa pamamagitan ng panukalang ito ay maiiwasan na mabaon sa utang ang mga guro na nabibiktima ng mga higanteng loan sharks.

 

Dahil hindi pa nakakamit ng mga guro ang nararapat na sweldo, karapatan ng mga guro na mabigyan sila ng simple at disenteng buhay na malaya sa anumang malalaking bayarin na dulot ng mga pautang.

Facebook Comments