Idineklara bilang special non-working holiday sa buong lalawigan ng Pangasinan, ngayong araw, bilang paggunita ng Speaker Eugenio P. Perez Day, alinsunod sa Republic Act No. 6721.
Ang paggunita ay pagkilala sa mga naiambag ni Speaker Eugenio P. Perez, isang natatanging lider na nagmula sa Pangasinan bilang unang Speaker ng Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig at naging mahalagang bahagi sa pagpapatatag ng demokrasya sa bansa.
Kabilang din sa kanyang mahahalagang ambag ang pag-akda ng Republic Act No. 170 o ang City Charter of Dagupan, na nilagdaan ni dating Pangulong Manuel Roxas noong Hunyo 20, 1947. Ang batas na ito ang nagpalit sa Dagupan bilang isang lungsod, na ipinagdiriwang tuwing Hunyo 20 ang Founding Anniversary nito hanggang sa kasalukuyan.
Sa pamamagitan ng taunang pagdiriwang na ito, binibigyang-halaga ng mga Pangasinense ang kanyang pamana ng katapatan, malasakit, at mahusay na pamumuno. Ipinapaalala rin nito ang kahalagahan ng paglilingkod sa bayan nang may dangal at integridad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









