Special polling precinct para sa indigenous peoples, planong dagdagan ng COMELEC

Plano ng Commission on Elections (Comelec) na dagdagan ang special polling precinct para sa indigenous people (IP) sa darating na May 2025 midterm polls.

Ilan sa titingnan ng Comelec ay sa mga komunidad na may mataas na bilang ng mga botanteng katutubo partikular sa Palawan, Mindoro, Bulacan, Pampanga, Bukidnon at iba pang lugar sa Mindanao.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, hinihikayat nila ang kanilang elections officers sa nasabing lugar na tignan ang posibilidad nito at pag-aralan ang mga maaaring gawin.


Aniya, batid ng Comelec ang hirap at sakripisyo ng mga indigenous people para lamang makaboto tuwing eleksyon na kailangan maglakad pa ng napakalayo.

Kasabay nito, inanunsyo ni Garcia na inaprubahan na nila ang paglalagay ng special polling precint para sa mga residente ng Sitio Kapihan sa Socorro, Surigao del Norte.

Una rito, personal na nag-ikot si Garcia kasama ang iba pang opisyal ng Comelec para magsagawa ng special voters’ registration sa Sitio Kapihan at iba pang IP communities.

Sa mga nakaraang halalan, naglagay na rin ng special voting centers ang Comelec para sa IPs pero iilan lamang ito.

Facebook Comments