Special powers para labanan ang inflation rate, inirekomenda ng isang kongresista

Inirekomenda ni Albay Rep. Joey Salceda ang ilan sa ‘special powers’ na magreresulta sa pagbabawas sa presyo ng mga bilihin.

Ang suhestyon ng mambabatas ay kaugnay na rin sa naitalang 6.1% na pagbilis ng inflation rate sa buwan ng Hunyo, ang pinakamataas na naitalang inflation rate mula November 2018.

Kabilang sa mga inirekomenda ni Salceda sa papasok na liderato ni incoming Speaker Martin Romualdez ay ang “anti-hoarding powers” kung saan walang sinuman ang kukuha ng sobra-sobra sa pangangailangan, ito man ay para sa negosyo, pansarili o kunsumo sa bahay.


Maging ang pagho-hoarding para muling maibenta ang isang produkto sa mas mataas na halaga kumpara sa umiiral na market prices ay hindi rin papayagan lalo na kung naideklarang may kakulangan sa produkto.

Ilan pa sa mga isinusulong na solusyon laban sa inflation ay ang pagbibigay kapangyarihan sa pangulo na magkaloob ng insentibo sa produksyon ng mga ‘essential’ na produkto para maging matatag ang presyo at suplay; kapangyarihan para makapagbigay ng loans at guarantees sa suppliers ng produkto; at anti-price-gouging powers o kapangyarihan laban sa mataas na pagpapataw ng presyo.

Bibigyan din ng motu proprio powers ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan upang agad na masilip ang mga posibleng pang-aabuso sa merkado partikular sa energy at essential goods sector.

Dagdag pa sa ‘special powers’ na igagawad sa presidente ang ‘transport emergency powers’ para magamit ang mga pribadong daan at mapadali ang paggawa sa mga proyekto upang mabilis na maihatid ang mga produkto gayundin ang kapangyarihan na i-mobilize ang mga uniformed personnel para mapabilis ang infrastructure projects.

Facebook Comments