SPECIAL PUTO BUMBONG, PATOK NGAYONG HOLIDAY SEASON

Christmas is just around the corner — at pagsapit ng Disyembre, kasabay ng malamig na simoy ng hangin ang mga pagkaing nagpaparamdam ng tunay na diwa ng Kapaskuhan.

Isa na rito ang paboritong Puto Bumbong, na karaniwang tinatangkilik pagkatapos ng Simbang Gabi.

Pero sa bayan ng Mangaldan, mas leveled-up ang pagkaing ito dahil hindi lang ordinaryo ang kanilang puto bumbong, special ito na loaded sa sangkap at toppings.

Sa halagang P75, makakabili na ng classic na puto bumbong.

Pero para sa gustong mas “extra,” may special choices na nagkakahalaga ng P85, P95, at P115 kada styro.

Maliban sa tradisyunal na niyog at muscovado sugar, nilalagyan pa ito ng keso, kondensada, at ang pinaka-star ng toppings, ang leche flan.

Ayon kay Remy, tindera ng puto bumbong, alas-dos ng hapon pa lang ay bukas na ang kanilang pwesto sa tapat ng simbahan ng Mangaldan at nagsasara sila sa gabi depende sa dami ng bumibili.

Dagdag pa niya, may mga araw na sa madaling araw din sila nagbubukas at nagpapatuloy hanggang umaga, lalo na kapag dagsa ang mga nagnanais makatikim ng kanilang Special Puto Bumbong.

Sa gitna ng modernong food innovations, nananatiling buhay at tinatangkilik ang mga pagkaing Pinoy na tulad nito, mga pagkaing nagbabalik-alaala sa simpleng tradisyon, mainit na pagsasama, at matamis na pagdiriwang ng Pasko.

Facebook Comments