Alas-diyes ng umaga sa Lunes, March 23, isasagawa ang special session ng Kamara at Senado.
Ito ang inianunsyo nina Senate President Vicente “Tito” Sotto III at Senator Christopher “Bong” Go matapos ang pulong sa Malakanyang na dinaluhan ng liderato at ilang miyembro ng mataas at mababang kapulungan at mga miyembro ng gabinete.
Ayon kay SP Sotto, target nilang ipasa sa special session ang panukala na magbibigay kapangyarihan kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-realign ang available na pondo para masolusyunan ang krisis na hatid ng COVID-19.
Sabi ni Sotto, tinatayang aabot sa 200-billion pesos ang nasabing salapi na magmumula sa Government Owned and Controlled Corporations o GOCCs.
Gagamitin ito para sa tulong pinansyal at pagkain ng halos 16.5 milyong mga pamilya sa buong bansa na apektado ng sitwasyon dulot ng COVID-19.
Diin ni Senator Go, papalakasin ng nabanggit na panukala ang mga hakbang ng pamahalaan sa COVID-19 health emergency pati ang recovery at rehabilitation.