
Itinanggi ng Bureau of Corrections (BuCor) ang mga kumakalat na balita na umano’y binibigyan ng “special treatment” si dating Bamban Mayor Alice Leal Guo habang nakakulong sa Correctional Institution for Women (CIW).
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang, kasalukuyang sumasailalim si Guo sa limang araw na mandatory quarantine matapos siyang mailipat mula sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) patungong CIW noong Disyembre 6.
Tulad ng lahat ng Persons Deprived of Liberty (PDL), tumutupad din si Guo sa parehong mga restriction, at walang espesyal na pribilehiyo na ibinibigay sa kanya.
Ayon sa record ng CIW, tanging mga abogado lamang ni Guo ang pinayagang makabisita sa kanya, alinsunod sa mga umiiral na health at security protocols.
Mahigpit din na ipinagbabawal ang paggamit o pagdadala ng personal na cellphone sa lahat ng pasilidad ng kulungan, na taliwas sa mga ulat na umano’y nakakuha si Guo ng cellphone ilang araw matapos siyang madetine.
Sinabi rin ni Catapang na pantay-pantay ang implementasyon ng patakaran maging ang mga empleyado ng BuCor ay hindi pinahihintulutang magdala o gumamit ng personal mobile devices sa loob ng mga secured area.
Dahil dito, sinabi niyang imposibleng magkaroon o makapagdala si Guo ng nasabing device.
Binigyang-diin ni Catapang na ang pahayag na ito ay upang tiyakin ang transparency at mapanatili ang integridad ng correctional system, kung saan pantay-pantay at makatarungan ang pagtrato sa lahat ng mga inmates sa ilalim ng batas.









