Nakatakda muling magkasa ng special vaccination days ang National Vaccination Operations Center (NVOC) pagkatapos ng Mahal na Araw.
Sinabi ito ni NVOC Chairman at Health Undersecretary Myrna Cabotaje kasunod ng mababang vaccination coverage na naitatala sa ilang bahagi ng Pilipinas.
Paliwanag ni Cabotaje, hindi pa nakakamit ng gobyerno ang 70 milyong fully vaccinated individuals bago matapos ang Marso.
Dagdag pa nito, nasa 27% pa lamang ng populasyon ng BARMM ang fully vaccinated habang nasa 57% naman sa Region XII kung saan may iba pang lugar sa ibang rehiyon na kailangan paramihin ang mababakunahan.
Samantala, hinikayat ng Department of Health ang mga COVID-19 vaccination site na buksan pa rin ang kanilang tanggapan sa mga nais magpabakuna sa darating na mahal na araw.
Ayon pa rin kay Cabotaje, maglalabas sila ng memorandum sa ilang DOH hospitals upang hikayatin ang patuloy vaccination rollout sa naturang mga araw.
Sa kabilang banda, nakadepende pa rin sa mga local government units kung itutuloy pa rin nila ang COVID-19 vaccination operations sa kasagsagan ng semana santa.