Ipinapanawagan ng Teachers Dignity Coalition (TDC) sa Department of Education (DepEd) na magkaroon ng special vaccination para sa mga guro.
Batay sa resolution 110 ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga frontline personnel sa basic education at higher education institutions (HEIs) at mga ahensya at kasama na sa A4 priority list ng COVID-19 vaccination program.
Sa interview ng RMN Manila kay TDC National Chairperson Benjo Basas, sa Davao City pa lamang nagkakaroon ng pagbabakuna para sa mga guro.
Sinabi rin ni Basas na maraming guro ang nagkasakit ng COVID-19 subalit walang natatanggap na institutional support.
Aminado si Basas na nasa krisis ang paghahatid ng dekalidad ng edukasyon lalo na at mahirap ipatupad ang distance learning dahil na rin sa limitadong coverage ng internet sa bansa.
Sa ngayong may kinakaharap pang pandemya, iginiit ng TDC na malabo pang maipatupad sa ngayon ang face-to-face classes na kagaya noong pre-COVID period.