
Nilinaw ng isang opisyal ng Department of Public Works and Highways o DPWH na walang mga mahahalagang dokumento kaugnay ng flood control projects ang nasira matapos ang sumiklab ang sunog sa naturang gusali sa Kamuning, Quezon City.
Kasunod na rin ito ng mga kumalat na agam-agam na sinadyang sunugin ang naturang gusali para mabura ang mga ebidensiya ng mainit na isyu sa flood control projects.
Sa pagtatanong ng DZXL-RMN Manila kay DPWH-Bureau of Research and Standards Director Juliana Vergara, walang kaugnayan o hindi sila ang opisinang humahawak sa mga dokumento ng mga proyektong may kaugnayan sa naturang isyu.
Ang sunog ay iniakyat sa unang alarma bandang alas-12:50 ng hapon at itinaas pa sa ikatlong alarma bago tuluyang maapula dakong ala-1:50 ng hapon.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) kung ang pinagmulan ng sunog at kung magkano ang halaga ng pinsala nito sa gusali at mga kagamitan.









