Nilimitahan na lang sa isang spillway gate ang naiwang bukas sa Magat Dam sa Luzon na nagpapakawala ng tubig.
Mula kaninang umaga, patuloy ang pagpapakawala ng tubig sa dam na may taas na dalawang metro.
Una nang inalerto ang mga residente sa ilang lugar sa hilagang Luzon sa posibleng pagbaha matapos na buksan ang dalawang spillway gate ng dam simula pa noong Biyernes dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan.
Hanggang kaninang alas-6:00 ng umaga, nasa 189.51 meters ang water elevation sa Magat Dam na mas mababa na sa 193 meters normal high-water elevation.
Samantala, tumaas pa sa 213.17 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam na lagpas na sa 210 meters normal high-water elevation pero hindi pa ito nagbabawas ng tubig habang ang Ipo Dam ay nasa 100.43 meters ang lebel ng tubig.
Nagpakita din ng pagtaas sa lebel ng tubig ang La Mesa Dam, Ambuklao Dam, Binga Dam maging ang Pantabangan, San Roque at Caliraya Dam.