Spokesperson Harry Roque, humingi ng paumanhin sa mga na-offend sa ikinilos niya sa pulong ng IATF

Naging emosyonal lamang si Presidential Spokesperson Harry Roque sa ginanap na pulong nila ng Inter-Agency Task Force (IATF) noong September 7.

Ayon kay Roque, humihingi siya ng tawad sa lahat ng na-offend sa kanyang mga nasabi at nagawa.

Sa viral video ng kalihim, kinastigo nito ang isang grupo ng mga doktor na umaapela na pag-aralan muli ang desisyon ng IATF na luwagan na ang quarantine classifications sa Metro Manila.


Paliwanag ni Roque, nagsimula siyang maging emosyonal makaraang maging emosyonal din sina Dra. Maricar Limpin at Dr. Antonio Dans na nagrekomenda na magpatupad muli ng 2 linggong hard lockdown dahil sa patuloy na pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa NCR.

Ayon kay Roque, hindi siya nakapagpigil ng kaniyang emosyon dahil dapat din aniyang isaalang-alang ang damdamin at sikmura ng mga nagugutom nating kababayan na tigil trabaho kapag ipinatupad ang panibagong lockdown.

Giit nito, layunin ng pamahalaan ang total health o pangangalaga sa kalusugan habang tinitiyak na walang magugutom dahil sa pandemya.

Aniya, wala ni isa sa gobyerno ang nais na masawi ang ating mga kababayan dahil sa COVID-19 gayundin sa gutom na dala ng pandemya kung kaya’t binabalanse at pinag-aaralang maigi ang bawat desisyong inilalabas ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Facebook Comments