SPORT NA PENCAK SILAT, PATULOY NA PINAPAKILALA SA PILIPINAS

Bagamat hindi pa kasing tanyag ng basketball, football, o boxing, unti-unti nang umuusbong ang interes ng mga Pilipino sa sport na Pencak Silat.

Ang Pencak Silat ay isang tradisyunal na sining ng pakikipaglaban na nagmula sa Indonesia at iba pang bansa sa Timog-silangang Asya.

Kinikilala ito hindi lamang bilang isport, kundi bilang isang anyo ng sining na pinaghalong galaw sa laban, espiritwalidad, at pagtatanghal. Unang isinama bilang demo sport sa Palarong Pambansa noong 2017, at ngayo’y isa nang ganap na regular na palaro—na nangangahulugang kabilang na ito sa opisyal na medal tally ng mga rehiyon.

Ayon kay Emmar Progelia, Tournament Director ng Pencak Silat sa Palaro 2025, patuloy ang pag-angat ng mga batang atletang Pilipino sa nasabing larangan.

Sa nagaganap na Palarong Pambansa sa Ilocos Norte, inaasahang magtatagisan ang mga batang atleta sa iba’t-ibang rehiyon para sa naturang larangan. Bagamat hindi pa ganap na kilala sa bansa, umaasa ang mga tagapagtaguyod ng Pencak Silat na mas makilala ito at mas marami pang susubok.

Sa pamamagitan nito, inaasahang matututo sila hindi lamang ng pisikal na disiplina, kundi pati na rin ng kultura at estratehiya ng isang sining pandigma na may malalim na kasaysayan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments